Pangarap

May tatlong batang marungis sa nasakyan kong jeep. Paakyat pa lang sa jeep ay sinalubong na ako ng isa sa kanila at nanghingi na ito ng barya. Hindi ko muna siya pinansin, inuna ko muna ang pagbabayad ng pamasahe ko. Nang mapatingin ako sa kanya, muli niyang inulit ang inuungot niya kanina. Sabi ko, kapag binigyan ko siya ng barya, pwede akong makulong. Matagal niya akong tinitigan na para bang nagbabakasali na mabigyan ko pa rin siya, o maari ding nililimi niya sa kanyang isipan ang kaseryosohan ng aking sinabi.

Noon nagsalita ang batang kaibayo niya, ang batang nasa kanan ko. Ang sabi nito, “Dapat kasi inipon mo na lang yung kinita natin kanina para hindi ka nanghihingi.” Nakuha ng batang ito ang atensiyon ko. Kung titingnan mo ang isang batang marungis, nakayapak at walang kamiseta, hindi mo maiiisip agad-agad na tuturan siya ng ganoon.

“Tandaan ninyo, paglaki ko, yayaman ako,” at dahil sa sinabi niyang iyon, napatingin na ako sa batang nasa kanan ko. At sa paglalahad na ginawa niya sa mga kasama niya kung paano siya magiging mayaman, naisip ko na gagawin niya talaga ang mga ito upang yumaman. Ang sabi ng bata mag-iipon siya ng kahit magkano araw-araw at hindi niya sasayangin ang mga kinikita niya tuwing pupunta siya sa palengke. Sa pagkakaintindi ko, galing silang tatlo sa palengke ng Paranaque sa may La Huerta at nagkaayaan silang magtungo sa isa pang malaking palengke sa may Zapote. Nais ng batang ito na gayahin siya ng dalawa pa niyang kasama kesa manghingi pa ┬áng barya kung kani-kanino.

Naunawaan ko na ang batang ito ay may pagpapahalaga sa trabaho at pagsusumikap upang matupad niya ang kanyang pangarap. Hindi ko alam kung ano na ang napagdaanan ng batang ito upang mabuo sa kanyang isipan ang ganoong paniniwala. Maaring ito ang itinuro ng mga magulang niya sa kanya o ito ang natutunan niya sa kanyang kapaligiran. Nakakapanghinayang kung mapupunta sa wala ang batang ito.

Isinasabuhay niya ang isang makatotohanang pangarap.